Kinatagpo ni Wang Dinghua, Tagapangulo ng Konseho ng Unibersidad ng Pag-aaral na Panlabas ng Beijing (BFSU) si Farah Sulieman Al-Mutlaq, Pangalawang Ministro ng Edukasyon ng Syria at ang kanyang entorahe noong Nobyembre 25.

Ipinahayag ni Wang ang mainit na pagtanggap sa delegasyon ng Syria. Isinalaysay rin niya sa mga panauhing Syrian ang hinggil sa kasaysayan at natatanging bentahe sa pagtuturo ng BFSU, at pag-unlad ng Programang Arabe ng pamantasan. Binalik-tanaw din ni Wang, kasama ng mga bisita ang mapagkaibigang pagpapalitan sa pagitan ng Tsina at Syria. Umaasa aniya siyang makapagsasagawa ang BFSU, kasama ng mga pamantasan ng Syria ng higit na marami pang pagtutulungan sa larangan ng pananaliksik hinggil sa pagtuturo at pagtuturo ng wika’t kulturang Arabe.
Ipinahayag naman Al-Mutlaq na mayaman ang Syria sa mga gurong nagtuturo ng wika’t kulturang Arabe at malawak ang espasyo ng pagtutulungan ng magkabilang panig. Ikinagalak aniya niyang maanyayahan at makalahok sa Ikalawang Belt and Road Education Dialogue na nasa pagtataguyod ng BFSU. Umaasa aniya siyang mapapalalim ang pagpapalitan nila ng mga tagapagturo mula sa kasaping bansa ng Belt and Road Initiative (BRI) para mapasulong ang pag-uunawaan sa isa’t isa.
Ang nasabing diyalogo na may temang “Edukasyon, Modernisasyon at Pag-unlad ng Bansa” ay nilahukan ng mahigit 50 dalubhasa mula sa siyam na bansa. Kabilang sa apat na pangunahing paksa ng diyalogo ay “Lakas-manggagawa, Paglaki ng Kabuhayan at Pag-unlad ng Bansa,” “Kultura at Tunguhin ng Pagkakatulad ng Pandaigdig na Edukasyon,” “Globalisasyon, Lokalisasyon at Modernisasyon,” at “Pananaliksik, Inobasyon at Sustenableng Pag-unlad.”