Punong ministro ng Netherlands, dumalaw sa BFSU

Noong Abril 12, 2018, dumalaw sa Unibersidad ng Pag-aaral na Panlabas ng Beijing (BFSU) si Punong Ministro Mark Rutte ng Kaharian ng Olanda, kasama ng kanyang delegasyon. Kabilang sa delegasyon ay sina Ed Kronenburg, Embahador ng Olanda sa Tsina; Paul Huijts, Pangkalahatang Kalihim ng Panlahatang Suliranin ng bansa; David van Weel, Tagapayo sa Patakarang Panlabas at Tanggulang-Bansa; at Peter Potman, Direktor ng mga Suliraning Asya-Pasipiko ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.
Naghandog si Presidente Peng Long ng BFSU ng seremonyang panalubong sa delegasyon ni Punong Ministro Rutte sa aklatan ng unibersidad. Lumahok din sa seremonya si Wu Ken, Embahador ng Tsina sa Olanda. Pinanguluhan naman ni Yan Guohua, Bise Presidente ng BFSU ang pagsalubong.
Ipinahayag ni Presidente Peng ang mainit na pagtanggap at pasasalamat sa pagdalaw sa BFSU nina Punong Ministro Rutte. Ipinaalam din ni Peng sa mga panauhin ang hinggil sa BFSU, lalo na ang programa ng wikang Olandes. Inilarawan ni Peng ang programang Olandes bilang napakahalagang plataporma hindi lamang para sa pagtuturo ng wikang Olandes, kundi para sa pananaliksik sa Olanda at pagpapalaganap ng kulturang Olandes.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Rutte ang mataas na papuri sa kagalingan sa wikang Olandes ng mga estudyante ng BFSU, at pinasalamatan din niya ang BFSU sa ibinibigay na ambag sa pagtuturo ng wikang Olandes at pagpapakilala ng kulturang Olandes. Ipinahayag din niya ang kasiyahan sa bilateral na relasyong Sino-Olandes at sa kanyang mabungang pagdalaw sa Tsina. Umaasa aniya siyang makitang gaganap ang Tsina ng mas malaking papel sa nagbabagong mundo.
Pagkaraan, magkasamang inalis nina Presidente Peng at Embahador Kronenburg ang tabing ng plaka ng Sentro sa Pag-aaral na Olandes ng BFSU.
Sa kanyang pagdalaw sa BFSU, nakipag-usap din si Punong Ministro Rutte sa mga estudyanteng nagmemedyor sa wikang Olandes at mga mag-aaral na Olandes na nag-aaral sa Tsina. Kabilang sa kanilang pinag-usapang mga paksa ay kultura, edukasyon, kabuhayan at relasyong pandaigdig. Buong pasensiya at may halong birong sinagot ni Punong Ministro Rutte ang mga tanong. Kaugnay ng edukasyon, sinabi ni Rutte na kapuwa ang Tsina at Olanda ay nagsisikap para mabalanse ang pag-aaral ng mga kaalaman sa teksbuk at pangangahas sa paggagalugad sa mga bagong bagay.
Mauna rito, buong giliw na nagbisikleta si Punong Ministro Rutte sa kampus ng BFSU, kasama ng mga guro at estudyante. Sa kanilang paglilibot, huminto sila sa Harding Pangkaibigan ng Tsina’t Unyong Europeo.

No.2 North Xisanhuan Road, Beijing, P.R. China 100089

Office for International Exchange and Cooperation

0086-10-88816715
[email protected] https://international.bfsu.edu.cn/en/
General Administration Office

0086-10-88816215
[email protected]